Thursday, January 30, 2003

Instant Noodle Index

Hindi na daw galunggong ang batayan ng hirap ng buhay. Instant noodle na ang pagkaing mahirap. Sa halagang limang piso ay makakatawid ka na sa gutom. Sa TV pinakita na ang isang pamilyang mahirap ay nagpipiyesta sa dalawang Lucky Me Instant Noodle, sinahugan ng dahon ng malunggay tsaka maraming kanin. Solve na ang pamilya! Kung kay Cory, Galunggong. Kay Gloria naman Instant Noodle. Sa tindahan ng aking bayaw, bestseller ang mga instant noodles. Mapa Pancit canton, Spaghetti, Yakisoba, Palabok at kung anu-ano pang flavor. Ang agrikulturang bayan ay sa instant pancit na lang umaasa. Humirap ang mga mahirap. Maraming batang nagugutom at pilit na sumisiksik sa maynila. Ang mga katutubo, badjao at mga ayta ay dito na rin naninirahan sya siyudad. Mga taong me payak na pamumuhay ay natutong manlimos at lumaban sa kuko ng agila.Nakaligtaan na ng Gobyerno na sila ay dapat protektahan at tulungan. Maging tayo ay walang ginagawang aksyon para mai-angat ang kanilang buhay. Nabaliwala ang dapat ipreserbang katutubong kultura at karunungan.Kinakalimutan ang di dapat kalimutan. Pinoy kelan ka mag-iisip ng tama? Pinoy kelan ka boboto ng tama? Kelan tayo magtitiis sa intant noodles?

Tuesday, January 28, 2003

Asin

Kilala mo ba ang grupong Asin? Yung banda noong early 80s, folk-rock ang musika nila. Ang isa sa lead singer ay si Lolita Carbon, mga pinasikat nilang awitin ay mga temang pighati ng bayan, me pagkapulido ng pagkakaliwa ang kanilang musika gaya ng "Bayan ko", "Balita", "Kapaligiran", "Pagbabalik" at marami pang iba. Early 80s sila ang nakigisnan kong mga awitin. Panahon yon ng New Wave pero mas nahilig ako sa mga ganong tema ng musika dahil si Kuya Obet ay bumibili ng mga ganong 45s . Kung minsan, mga barkada nya sa eskwela ay pupunta sa bahay, at pagkatapos ng minindal nila na hain ni Inang, nilalabas na ang gitara at saliw ay mga awit ng Asin. Ngayon, madalang ko na lang silang marinig. Pero ang kanilang mga awitin ay umukit sa puso ng masang pinoy. Nagbigay silakbo sa damdaming kupkop nuong panahon ng diktadurya. Kita ko minsan sa probinsya, me banner na me pagtatanghal sila, sa isang lumang beer garden. Adyan pa sila! Bagamat limot na ng iba, ako, di parin. Dahil minsan, nakasama natin sila sa pakikibaka para sa bayan, sa kamatayan ni Ninoy, ang unang EDSA, sa laban ng buhay at sa mga hukbong makakaliwa na ngayon ay mga terorista na kung tawagin ni Uncle Sam at ng papet na gobyerno natin.
Almusal/Umaga

Dalawang pandesal ang aking almusal at isang basong Milo. Walang kape ngayon sa office. Pati ba naman sa kape cost cutting din? Hmpp! Erratic ang almusal ko tuwing umaga. Minsan sa Mcdo, Longganisa Meal and Pancake ang paborito ko. Sa Jollibee naman, ung Hotdog at Corned beef Meal. O kaya mag aabang ng magtataho sa me harap ng opisina. Pede na yon! Or pag super toxic ako tuwing umaga, nakakalimutan ko ng mag-almusal. Masarap Mag-isa. Me sariling bahay, malayo sa magulang at sa mga pamangkin kong makukulit. Tahimik. Yun nga lang problema pa rin kung ano kakainin araw-araw. Magastos, mahirap na masarap!

Sana makapag fruit diet ako ulit. Para makapahinga naman ang aking mga bituka at tiyan sa taba at kolesterol. Minsan sinubukan ko na eh, pero hanggang tatlong araw ako. Ewan ko ba bakit adik ako sa pagkain. 33 na ang waisteline ko! Kahit pilit kong mag jogging minsan at mag exercise, sa pangatlong araw ay tinatamad na ako. Hmmm... Kulang talaga sa disiplina. Letse! Sana masaya ang araw na to. Sana me sahod na mamaya. Sana mabawasan ko ang gimik. Sana mag maging kapakipakinabang ako sa araw na to. Sana mamayang gabi di na Payless Pansit Canton ang ulam ko. Gandang Umaga!!!
Komiks

Pinagyabong ng Komiks ang aking uhaw sa Panitikang Pilipino. Nagsimula kay Niknok at kina Bing, Bam, Boom ng Funny komiks ang aking pagkahumaling sa literaturang pinoy. Beinte singko ang arkila noon, sa me tindahan papuntang talipapa. Tuwing uutusan ako ni Inang ay sumasaglit ako sa arkilahan. Doon ko nililibang ang aking sarili at sa kalauna'y pinalago ang aking imahinasyon. Hiwaga, Pinoy klasiks, Aliwan, Superstar at Wakasan ay ang mga paborito kong basahin. Walong taon pa lamang ako pero nakakabasa na ako sa pamamagitan ng aking isip, di ko na kailangan magdeletra at basahin ito ng malakas. Komiks dito at komiks doon. Pagkatapos na pagkatapos ng mga gawaing bahay ay tatakbo na ako sa tindahan para makabasa ng mga inaabangan kong mga nobela. Wala pang mga teleserye noon o cable para mapagbalingan ng inip. Sa telebisyon ay puro mga ingles ang palabas at ang balita ay kinatutulugan pa. Si Harry Gasser pa ang bida noon.

Marahil ay epekto rin ng komiks kaya nagkaroon ako ng mga pantasya sa buhay. Hilig kong kausapin ang sarili ko at sampu ng aking mga kaibigang ako lang ang nakakita. Sa paglakad ko pauwi galing eskwela ay kalimitang nagsasalita akong mag-isa. Sa aking imahinasyon ay Isa daw akong sikat na artista. Magaling umawit at umarte, pinagkakaguluhan ng mga movie fans. Hindi ko namamalayan ay salita ako ng salita at pati ang mga kapitbahay na nasasalubong ko ay nawiwirduhan na sa akin. Kadalasan ako ay napapahiya at pinagmumulan ng hagikgikan ng mga tambay sa kanto.